Friday, August 22, 2014

Wikang Pilipino: Wikang Pagkakaisa


 
Kayganda ng pagkakalikha ng ating daigdig, dahil tayo’y biniyayaan ng isang pinakamahalagang instrumento  upang tayo’y mabuhay ng matiwasay at nagkakaintindihan. Ito ang wika.
     Ang wika ay isa sa pinakapangunahing anyo ng komunikasyon, berbal man, pisikal o likas. Ang wika ay ating instrumento, kaalaman, at ito ang humahasa sa ating malikhaing pag-iisip. Bawat bansa sa buong mundo ay may sariling mga wika upang ang isang kultura ay magkakabuklod-buklod sa paraang pasulat o pasalita. Tulad nalang sa bansang Pilipinas, Filipino ang pambansang wika  dahil kahawig ito ng lahat ng wika ng Pilipino.  Ginamit sa sentro ng kalakalan, madaling matutunan o bigkasin, ginamit sa himagsikan at maraming naisulat sa panitikan ang isa sa mga batayan kaya’t ito pinili bilang pambansang wika.
     Tuwing buwan ng Agosto, ipinagdiriwang ang buwan ng wika, upang madama na importante ang wikang sariling atin. Ipinahihiwatig sa kaganapang ito, na ang wikang Filipino ay naging isang daan sa pagkakaisa ng bawat Pilipino at ang pagkakaroon ng isang bansa  na may kinikilalang pambansang wika. Ito’y isang tanda na ang bansa ay Malaya at nagsisilbing may pagkakakilanlan.
     Ngunit, ang wikang Filipino ay hindi masyadong tinatangkilik o  nabibigyan ng kahalagahan. Mas nais pa ng ibang Pilipino na gamitin ang dayuhang wika dahil  umano sumisimbilo ito ng katalinuhan , pagiging sosyal, at karangyaan sa buhay  isa ito sa mga rason kung bakit nais  tanggalin sa kolehiyo bilang isang asignaturang panturo at ililipat umano ito sa Senior High School. Sa ganitong sitwasyon, kailangan ng matalinong pagdedesisyon  hindi lang sa sariling kagustuhan, dahil ang wikang ito ay nagsilbing tulay upang mapag – isa ang mga mamamayan.
     Kung wala ang wikang Pambansa tiyak tayo’y isa paring alipin ngayon dahil isang napakalaking kawalan kapag di tayo nagkakaunawaan at nagkakaisa dulot ng iba’t-ibang wikang sinasalita sa bawat lugar na ating kinabibilangan. Kung naaalala mo pa ang bakas ng lumipas na tayo’y ginawang mga alipin ng Espanol ay dahil sa kawalan ng sariling wika.

     Ang kagandahan ng isang tunog sa isang instrumento ay dumedepende kung gaano ito pahalagahan ng isang manunugtog. Tulad  sa isang  wika kapag ang sangkatauhan ay papahalagahan, pagyayamanin  at gagamitin ito ng buong puso tiyak di’ lang pagkakaisa sa bawat Pilipino ang maibabalik nito.

No comments:

Post a Comment